11
bylines-milky-rigonan
By

Tiyempo ng Chacha

Sharing is caring!

Di na nakagugulat ang naging resulta ng survey ng Social Weather Station sa panukalang pagbabago ng sistema ng gobyerno tungo sa federal form.

Sa survey na isinagawa mula March 23-27, isa sa apat na mga Pinoy ay hindi naiintindihan ang federalism.

Sa 1,200 respondents, 75% nalaman lang ang isyu ng federalism nang matanong sa survey habang 25% lang ang aware dito.

Sa unang bahagi ng 2018, nagsagawa ng mga hearing ang Senate Committee on Constitutional Amendments and Electoral Reforms na pinamumunuan ni Senator Francis Pangilinan.

Aminado si Pangilinan na sa mga hearing at consultations na kanilang ginawa sa ibat-ibang bahagi ng bansa, hindi interesado ang mga Pinoy sa isyu at talakayan tungkol sa federalism.

Ayon kay Pangilinan, kulang ang impormasyon ng publiko sa federal form of government.

Bigo din ang Malacanang na maipaunawa sa mga Pinoy ang mga benefits ng bansa sakaling mag-shift sa federal form. Mas tumatak sa isip ng mga mamamayan ang isyu ng term extension kapag isusulong ang charter change.

Ano mang hakbang na pakikinabangan lang ng mga pulitiko sa personal nilang interes at hindi naman mabebenepisyuhan ang taongbayan, hindi kailanman makakakuha ng suporta sa publiko.

Bukod sa kulang ang effort ng gobyerno, wala din malinaw na posisyon ang Malacanang sa isyu ng federalism.

Kasama sa plataporma ng Duterte administration ang pag-amyenda sa ating saligang batas. Malinaw ang naging mensahe dito ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Presidential campaign.

Pero nang maluklok sa tungkulin, may ilang kampanya na naging prayoridad si Pangulong Duterte gaya ng war on drugs at maumpisahan ang Build, build, build program ng gobyerno.

Ang PDP-Laban na partido ng Pangulo ay naiba din ang direksiyon at hindi na naging regular ang pagtutok, pagkampanya at pagpapalakas sa awareness ng publiko sa isyu ng federalism.

Mismong si Senator Koko Pimentel, presidente ng PDP-Laban, aminado na kulang ang information campaign kahit nagsagawa pa ng Senate hearing sa ibat-ibang panig ng bansa.

Ayon kay Pimentel, malabo din na matalakay sa muling pagbubukas ng sesyon ngayong July ang isyu ng cha-cha. Bukod sa hindi ito prayoridad, pagpasok ng October abala na sa filing ng kanilang certificate of candidacy ang mga kakandidato sa 2019 midterm elections.

Pero malinaw ang mensahe ng publiko sa kawalang interes sa cha-cha. Malayo ito sa sikmura ni Juan dela Cruz.

Hindi na siguro kailangan pa ang resulta ng mga survey para pulsuhan ang tunay na sentimyento ng publiko tungkol sa cha-cha o pagbabago ng porma ng gobyerno tungo sa federal form.

Hindi ito ang kailangan sa ngayon ng taongbayan. Mas concern ang publiko sa isyu na malapit sa sikmura – sahod, mga dagdag na buwis, mataas na presyo ng bilihin, serbisyo at petroleum products, peace and order at iba pa.

Hindi mapipilit na sumayaw sa cha-cha ang taongbayan dahil mas maraming problema ng bansa ang dapat unahin at aksiyunan ng gobyerno kasama na dalawang kapulungan ng Kongreso.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?