81
magdalo-gary-alejano
Feb 19, 2018 @ 17:00
By

Titindig din ang Pilipino

May kasabihan na walang ibang magmamahal sa Pilipinas kundi ang mga Pilipino mismo at walang ibang magtanggol sa ating kalayaan kundi ang mga nagmamahal sa demokrasya.

Hindi ko masisisi si Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas na isipin na ilan sa mga Filipino ay napapagod nang mahalin ang ating bansa dahil sa mga nangyayayari sa ating bayan ngayon lalo sa ilalim ng Duterte administration.

Tinuran ito ng iginagalang na Arsobispo sa kanyang open letter kay Sen. Leila de Lima, unang oposisyon na ipinakulong ng Duterte administration, na isang taon nang nakakakulong.

Ngunit tulad ng mga bayaning nagbuwis ng buhay para makalaya taayo sa mga dayuhang nanakop sa ating bansa, naniniwala akong mayroon pa ring mga Filipino ang handang magbuwis ng buhay para sa ating bayan.

Kilala ang mga Pilipino na matiisin, ngunit kapag sumagad ay kikilos. Pinatunayan yan ng mga Pilipino noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Sumagad ang pagtitiis ng mga Pilipino na naglabasan sa lansangan noong 1986 para tapusin ang karahasan, pang-aabuso sa kapangyarihan at katiwalian kaya naman nagkaisa ang taumbayan upang patalsikin ang diktadurya sa kabila ng panganib na nasa kanilang harapan.

Binalewala ng mga Pilipino ang mga tangke sa kanilang harapan para lang maibalik ang demokrasyang ipinagkait ng rehimeng Marcos sa loob ng madilim na dalawang dekadang pamumuno nito.

Ngayon, tila dumadaan na naman sa pagsubok ang demokrasya at kalayaan na ipinagtanggol ng ating mga bayani noon. Maaaring totoo nga na napapagod na ang ilan o karamihan sa mga Filipino dahil muli silang nabigo sa mga pangako ng pagbabago.

Nawawalan na marahil sila ng gana at nalulungkot sila sa mga nangyayari pero tiwala ako na nagmamasid lamang sila at handang sundan ang yapak ng ating mga bayani para sa bayan.

Kapag sumagad na ang pang-aabuso sa kapangyarihan ng mga taong kanilang pinagkatiwalaan, nananalig pa rin akong mayroong mga Pilipino na titindig para ipagtanggol ang bayan, demokrasya, kasarilan at kalayaan.

Subalit sana naman ay makinig ang administrasyong ito sa mga hinaing ng kanyang mga pinaglilingkuran. Huwag naman nang sagarin at subukan ng mga lider ng ating bansa ang taumbayan dahil darating at darating ang panahon na mauubos din ang kanilang pasensiya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?