35

Feb 6, 2018 @ 8:22
By

Tirador ng pulutan, kalaboso

Kalaboso ang isang pedicab driver matapos na mang-umit ng isang imported na de-lata na ireregalo sana sa birthday ng kanyang kaibigan bilang pulutan sa isang convinient store, kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.

Nahaharap sa kasong theft ang suspek na si Hermiño Deverson, 48, matapos na makita ng clerk ng convenience store sa kanilang closed-circuit television (CCTV) camera na isinisilid sa kanyang bulsa ang isang lata ng Libby’s corned beef at Spam luncheon meat, na nagkakahalaga ng P354.

Hindi naman itinanggi ng suspek ang ginawa at ipinaliwanag na nagsawa na umano sila sa pulutang mani kaya nang-umit ng de-lata dahil wala siyang pera na pambili.

Aminado rin ang suspek na lasing na kaya niya nagawang nakawin ang mga imported na de-lata mula sa convenience store na matatagpuan sa Juan Luna St., sa Tondo, Maynila bago maghatinggabi.

Ang pang-uumit ng suspek ay nakita naman ng tauhan ng tindahan kaya kaagad na humingi ng tulong sa mga nagpapatrulyang pulis ng Manila Police District-Station 7 (MPDS-S7), na nagresulta sa agarang pagkakaaresto ng suspek.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?