127

May 24, 2020 @ 17:13
By

Tirador ng artista, beauty queen! Sam Milby bigatin ang listahan ng mga bebot

Hot topic ngayon sa social media si Sam Milby matapos na kumpirmahing nabingwit niya ang tinuturing lang naman na pinakamagandang babae sa balat ng lupa na si Miss Universe 2018 Catriona Gray.

Kung mayroon mang hunk sa local showbiz na makulay ang love life, isa na don ang Pinoy Big Brother alumna, na tila hindi hinihiwalayan ng intriga pagdating sa mga babae.

Ating balikan kung sino-sino ba ang mga na-link na kay Sam, na tunay ngang lapitin ng mga magagandang dilag.

Marie Digby

Isa sa mga unang naging dyowa ni Sam sa showbiz ay ang Youtube singing sensation na si Marie Digby.

Nagkaroon pa ang dalawa ng duet song na pinamagatang ‘Your Love’ nang magtungo ang Japanese-American singer sa Manila.

Ayon kay Digby, hindi nag-work ang kanilang relationship ni Sam dahil sa Manila nakabase ang aktor habang siya naman ay nasa Los Angeles.

Ngunit nang tanungin si Digby matapos silang mag-break ay inamin nitong mahal pa rin niya si Sam, ngunit hindi rin magawan ng paraan para sila’y magkatagpo dahil sa busy na schedule.

Mari Jasmine

Si Mari Jasmine ang huling naging dyowa ni Sam bago nito mapukaw ang atensyon ni Catriona.

Halos tatlong taon din nagtagal ang relasyon ni Milby sa half-Japanese, half-British beauty na lumaki naman sa Australia.

Sa dating panayam kay Sam sa Push, naging tikom man ito sa dahilan ng kanilang break-up ay inamin naman nitong si Mari ang nakipaghiwalay sa kanya.

Gumawa ng ingay si Jasmine, na ngayo’y blogger, matapos itong makipagrelasyon sa isang babaeng direktor na si Samantha Lee.

Shaina Magdayao

Aminado si Sam na may pagtingin siya kay Shaina, kung saan tinanong pa nito ang ex-boyfriend ng aktres kung pwedeng ligawan ang magandang dilag.

Ngunit naudlot ang balak na panliligaw ni Sam, dinahilan nito ang busy nilang schedule kaya’t nabigong mapasagot si Shaina.

Nang tanungin naman si Shaina noong 2015, sinabi nito na hanggang friends lang talaga sila ng aktor, at ayaw niya umanong masira ang kanilang friendship.

Jessy Mendiola

Taong 2013 nang magsimulang ma-link si Sam sa sexy actress na si Jessy Mendiola.

Inamin ni Sam na niligawan niya ang Kapamilya actress nang magka-developan sila sa taping ng ‘Maria Mercedes’.

Ngunit noong March 2014 ay sinabi ni Sam na tinigil na niya ang panliligaw kay Jessy, at mas mabuti umanong maging magkaibigan na lang sila.

Ngayon ay masaya na sa piling ni Luis Manzano si Jessy na ilang taon na ring magdyowa.

Ariella Arida

Bukod kay Catriona, isa pang beauty titlist ang na-link din kay Sam noon pang 2013.

Nagsimulang maugnay ang pangalan ni Sam sa Miss Universe Philippines 2013 nang magtungo ito sa kanilang bahay para ‘mag-hangout’.

Paliwanag ni Sam, sinama lang umano si Ariella ng kanyang longtime friend na si Pia sa kanyang bahay.

Sey ni Sam, walang malisya ang pagpunta sa kanila ni Ariella at hindi dapat bigyan ng kahulugan.

Anne Curtis

Si Anne Curtis na marahil ang pinasikat na naging dyowa ni Sam sa mundo ng showbiz.

2008 nang unang umamin ang dalawa na sila’y exclusively dating, ngunit sa pareho ding taon ay naputol din ang relasyon ng couple.

Ayon kay Anne sa panayam sa ‘The Buzz’, si Sam umano ang nakipaghiwalay sa kanya dahil kailangan umano ng aktor na ayusin ang relationship nito sa Diyos.

Doon din ay inamin ni Anne na siya’y umiyak at nasaktan dahil sa desisyon ni Sam, ngunit nilinaw na wala namang third party na sumira ng kanilang relasyon.

Sa ngayon ay happy na si Anne sa piling ni Erwan Heussaff at kanilang unang baby na si Dahlia Amelie.

Catriona Gray

Matapos magpahinga sa pag-ibig ng dalawang taon, nasungkit naman ni Milby ang pag-ibig mula sa crush ng buong universe na si Catriona Gray.

Sa Instagram post ni Sam para sa kanyang 36th birthday ay kinumpirma nga nito na siya’y happily in love kay Queen Cat.

Dati pang dineny ni Catriona na may something sila ni Sam, pinaliwanag sa panayam dati kay Tito Boy Abunda na friends lang sila ng aktor at nagkataon lang na parehas sila ng church at management.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?