1,811

Apr 26, 2020 @ 8:47
By

Tinira si Duterte: Taiwan OFW pinade-deport ng DOLE

Dahil sa umano’y cyber libel sa pagbanat kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Facebook, gustong sapilitang mapauwi ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang isang overseas Filipino worker sa Taiwan.

Sa pahayag ng DOLE nitong Sabado, inakusahan nila ng cyberlibel si Elanel Egot Ordidor, isa umanong caregiver sa Yunlin County, matapos ang kanyang “willful posting of nasty and malevolent materials” sa Facebook tungkol sa Pangulo.

Ang mga post ng OFW ay “intended to cause hatred amidst the global health crisis brought about by the COVID-19 pandemic,” ayon sa ahensiya.

Ang pagpo-post at pagpapakalat ng mga nasabing video ay mapaparusahan sa ilalim ng Republic Act No. 10175 o ang cyber libel law.

Nakipag-ugnayan na umano sa broker at employer ng OFW ang Philippine Overseas Labor Office sa Taiwan hinggil sa deportasyon nito.

Sa pahayag, sinabing Abril 20 nakipag-usap ang DOLE sa OFW para ipabatid na katumbas sa krimen ang pinost nito, na pwedeng parusahan parehong sa Taiwan at Philippines.

“Cooperative” umano si Ordidor at nangakong ‘di na niya uulitin. Sinabi rin umano nitong maglalabas siya ng public apology para kina Duterte at sa “people of the government” kinagabihan.

Ngunit walang inupload na apology video, ayon sa DOLE, at may mga naglitawan umanong post sa Facebook page ng POLO Taichung mula sa ilang pekeng account na sinuportahan ang pinost ni Ordidor.

Ayon din sa DOLE, gumamit umano ang OFW ng ilang social media accounts gaya ng Lenale Elanel Egot, Mha Lan Dee, Linn Silawan, at Hampas Lupa, at may grupo umano na ang layon ay “[to] discredit and malign the President and destabilize the government.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?