93

Dec 20, 2017 @ 11:59
By

Tinedyer binistay ng bala, patay

Nasawi ang isang lalaki nang pagbabarilin sa harap ng isang gasolinahan sa Jacinto St., Tondo, Maynila.

Bagaman naisugod pa sa Gat Andres Hospital ang 18-anyos na si Rhobyl Agabao na nakatira sa temporary housing ay idineklara naman siyang dead on arrival ng mga doktor.

Suspek sa pamamaslang ang mismong kaibigan ng biktima na nakilala lamang sa pangalang ‘Jemilenio’ matapos marekober sa kanya ang sumpak na may bakas ng dugo.

Kuwento naman ng mga kaibigan ng biktima, may riding-in-tandem na bigla na lamang sumulpot sa harapan ni Agabao at pinaputukan siya ng tatlong beses.

Nagbanta pa umano ang mga suspek na huwag nang dalhin sa ospital ang biktima dahil papatayin din sila ng mga ito.

Hindi naman matanggap ng ina ng biktima na si Rhodora ang sinapit ng kanyang anak na wala naman umanong kaaway.

Pauwi na aniya ang kanyang anak sa Happyland para makitulog sa bahay ng kanyang nobya nang bigla na lamang siyang makatanggap ng tawag na patay na ang kanyang anak pasado alas-12:00 ng hatinggabi.

Ang pagkamatay ni Agabao ay nadagdag sa mga kaso ng death under investigation ng Manila Police District. (Rick Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?