9

Feb 21, 2021 @ 13:10
By

Tindero lubog na sa ‘twindemic’; price control ‘di nakakatulong – Hontiveros

Dapat paigtingin ng Department of Agriculture ang laban kontra paglaganap ng African Swine Fever (ASF) na siyang pangunahing dahilan kung bakit nananatiling mataas ang presyo ng baboy sa bansa, ayon kay Senadora Risa Hontiveros.

“ASF ang puno’t dulo ng problema, kaya ASF dapat ang solusyunan. Dapat na ituon ng gobyerno ang pansin nito sa testing, reporting at pag-responde sa mga local oubreaks ng ASF. Hindi na nakakatulong ang ipinataw nilang price control,” pahayag ni Hontiveros.

Sa kasalukuyan, sinusubukan ng DA na palakasin ang lokal na supply ng baboy sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga inahing baboy at feeds sa mga lugar na walang naitalang kaso ng ASF.

Ngunit sabi ni Hontiveros, ang mga hog raisers ay takot pa rin sa waves of infection at kapag nababalitaang may mga kaso ng ASF sa kalapit na mga bayan, agad na ibinebenta ang mga alagang baboy.

“Gaya ng COVID, wala pa ring bakuna sa ASF. Kung hindi pag-iigtingin ang pag-apula sa pagkalat ng virus, unti-unti nitong papatayin, hindi lang ang swine production, kundi ang kabuhayan ng ating mga kababayan,” ayon sa senadora.

Binigyang diin ni Hontiveros na ang muling pagkakaroon ng sapat na suplay ng karneng baboy ay nakabatay sa kumpiyansa ng mga namumuhunan na ang mga kaso ng ASF ay nababawasan, kontrolado at mababayaran.

“Bago pa man mag-repopulate o magparami at mamigay ng inahing baboy, kailangang gabayan din ng DA ang hog industry sa tamang pag-aalaga ng hayop para mapigilan ang pagkalat pa ng epidemya,” ani Hontiveros.

“:Kailangan din dito ng early detection, physical distancing, at madalas na testing sa mga hayop na sinusubukan ngayon ng mga beterinaryo sa ibang bansa,” saad pa nito.

Ayon pa sa mambabatas, bagaman mabuti ang hangarin ng itinakdang 60-day price ceiling sa mga karneng baboy at manok sa Metro Manila, mas lalo lang nitong pinapalala ang kalagayan ng hog raisers at manininda.

Aniya, halos imposible para sa mga vendors na makabawi mula sa ‘twindemic’ ng COVID-19 at ASF.

“Nakararanas tayo ng ’Twindemic’ — pandemya ng COVID-19 at epidemya ng ASF. Kambal din ang dagok sa ating magbababoy na nalubog pa dahil sa itinakdang price ceiling,” ani Hontiveros.

“Dumadaing na ang ating producers at retailers. Ilang eksperto na ang tumutol sa pagpapatupad ng price ceiling. Bawiin na sana ito para makabawi sa lugi ang ating mga kababayan,” wika pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?