sunog2
By

Tindahan ng mga piyesa ng motorsiklo, nasunog sa Caloocan

Sharing is caring!

Naabo ang isang tindahan ng motorcyle parts matapos sumilab ang sunog sa Caloocan City kagabi.

Sa ulat ni FS/Insp. Mark Christopher Pila, ng Caloocan City-Bureau of Fire Protection (BFP), alas-10:30 ng gabi nang sumiklab ang sunog sa tindahan na pagmamay-ari ni Lanie dela Cruz, 54-anyos, na matatagpuan sa Tullahan, District 1, Zone 14, Barangay 162 ng nasabing lungsod.

Ayon sa mga nakasaksi, malaki na umano ang apoy nang kanila itong mapansin na lumamon sa unang palapag ng 3-storey building.

Agad namang nakalabas ang may-ari nito at ang buo niyang pamilya na nasa ikalawang palapag nakatira.

Mabilis nakaresponde ang mga bumbero ngunit hindi agad na naapula ang apoy dahil na rin sa sementadong kabuuan ng gusali na hindi agad nasira ng mga bumbero kaya’t agad na itinaas sa ikalawang alarma ang sunog.

Hindi naman na kumalat pa sa mga katabing kabahayan ang apoy na alas-12:00 ng hatinggabi tuluyang naapula.

Tinatayang nasa P150,000 halaga ng mga ari-arian ang naabo sa sunog kung saan patuloy ang pagsisiyasat ng mga awtoridad sa kung ano ang sanhi ng sunog.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?