43

May 5, 2021 @ 16:08
By

Tinawag na nognog, engkanto: Miss U Canada nilait ng mga Pinoy

Nitong Martes, Mayo 4, ay nagpost sa kanyang Instagram account ang pambato ng Canada sa Miss Universe na si Nova Stevens.

Sa naturang post ay makikita ang kanyang litrato kung saan inedit niya sa paligid ng kanyang larawan ang iba’t-ibang komento sa kanya sa social media na ang laman ay mga salitang mapanlait.

Ang masama pa nito, ang mga nagpadala ng masasakit na komento ay mga Pinoy.

Gamit ang mga salitang “nognog, “katakot,” “engkanto,” at kataga na “parang hindi tao” ay nagpaulan ang ilang mga Pinoy ng panlalait sa kandidata.

Hindi ito pinalampas ni Stevens.

“Please see the beauty that is in the world. We don’t need to look the same, we just need to treat each other the same,” saad ni Stevens sa kanyang post.

Nitong Miyerkules, Mayo 5, ay nagpost muli si Stevens sa Instagram at muling naka-highlight ang komento ng ilang mga Pinoy, ngunit sa pagkakataong ito ay ang mga positibong komento ang kanyang ibinida.

“To my Filipino fans: I’m sorry if my previous post caused you any harm. My post wasn’t intended to incite more hate; rather shed light on the toxicity that sometimes hails from fans,” sambit ni Stevens.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?