9,634

By

Tinapyas na P4B sa 2020 calamity fund ‘missing’ – Lacson

Hinahanap ni Senador Panfilo Lacson kung saan napunta ang P4 bilyong tinanggal sa panukalang P20 bilyong calamity fund o National Disaster Risk Reduction and Management fund para sa taong ito.

“For 2020 ang nakasaad sa Senate version, P20 billion. Paglabas sa bicam (bicameral conference committee report), naging P16 billion, nabawasan ng P4 billion. Tine-trace ko ngayon saan napunta ang P4 billion bakit binawasan sa bicam,” pahayag ni Lacson sa panayam sa dzBB kahapon.

Ayon kay Lacson, nahihirapan siyang matukoy kung saan ito napunta dahil ang mga pinuno ng Senate finance committee na si Sen. Sonny Angara at House appropriation committee na si Rpe. Isidro Ungab lang ang nag-usap sa pag-amiyenda ng national budget.

“‘Yan ang mahirap i-trace kasi kapag bicam nag-uusap lang ang dalawang chairmen. Tapos mag-pool sila, magbabawas kung saan-saan, tapos ito ngayon kung saan-saan napunta,” ani Lacson.

Sinabi pa nitong tumatagal ng limang taon ang ‘life span’ ng calamity fund.

“Kapag hindi nagamit, ang unexpended napupunta sa special fund na nakalagak din, nakatuon para sa mga calamities and disasters. After five years kapag hindi pa rin nagamit ibabalik ito sa National Treasury,” ani Lacson.

Samantala, sinabi naman ni Senador Sherwin Gatchalian, miyembro ng Senate bicam panel, na ang calamity fund para sa 2020 ay na-cut dahil sa ‘unused’ calamity fund noong 2019.

“Nabawasan ‘yan dahil noong huling taon hindi naman nagamit, that’s number one. Two, ‘yung 2019 na hindi nagamit, inilagay sa 2020 so hindi kumpleto ang picture na nabawasan ito ng P4 billion dahil nadagdagan naman dahil sa 2019 na budget,” sabi ni Gatchalian sa hiwalay ng panayam.

“Hindi siya kapos dahil ‘yung 2019 na hindi nagamit, inilagay naman sa 2020,” dagdag pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?