199

May 6, 2021 @ 18:37
By

Tinabla ng Vietnam! Barko na may 12 COVID positive nagpakanlong sa PH

Isang barko na may mga crew na positibo ng coronavirus disease ang pinayagang dumaong sa Maynila para sa “emergency medical aid”.

Sa pahayag ngayong Huwebes, sinabi ng Department of Health na dalawang crew ng MV Athens Bridge (may bandila ng Panama) ang kritikal ang kondisyon.

Nasa 21 Filipino crew umano ang sakay ng MV Athens Bridge.

“They will be assessed upon arrival and transferred to their partner hospital as they see fit,” anang DOH sa PNA report ngayong Mayo 6.

Susuriin din ang barko kung maaari itong gawing quarantine facility para sa iba pang crew.

Batay naman sa situation report mula sa National Task Force Against COVID-19, sinabi nitong 12 crew member ang positibo ng COVID at dalawa ang nangangailangan ng “immediate medical evacuation” dahil sa hirap na sa paghinga.

“They are already very weak. The vessel has only one oxygen bottle left, which is currently in use by the patient,” sabi sa report.

Hindi raw pinapasok sa Vietnam ang barko kaya nagpakanlong sa Pilipinas dahil lahat ng crew nito ay Pilipino naman.

Inaprubahan na raw ang “emergency medical evacuation” nito at patungo na sa Maynila.

Hindi pa batid kung saan nagmula ang barko at habang sinusulat ito ay nasa Corregidor Island na umano ito, sa labas ng Manila Bay.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?