186

Jan 14, 2020 @ 18:24
By

Tilapia apektado ng pagsabog ng Taal

Aabot sa 15,033 na toneladang isda ang mababawas sa suplay ng tilapia dahil sa nangyayari sa bulkang Taal, sabi ng Department of Agriculture.

Inireklamo na ng isang grupo ng mangingisda ang pananamantala ng ilang mga trader kaya nagmahal ng P10 kada kilo ang presyo ng tilapia sa mga palengke.

Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, inaasahang magkaka-fish kill sa Taal dahil sa dami ng sulfur na na-release sa lawa nang bumulwak ang bulkan.

Sabi ng BFAR, nasa 6,000 fish cages ang maaaring nasira at ang mga laman nito ay tawilis at tilapia.

Nanawagan naman ang Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas sa mga trader na huwag pagsamantalahan ang mga pangyayari sa bulkang Taal para magtaas ng presyo bilang pakikiisa na lang nila sa mga biktima nito at tulong na rin sa ekonomiya at mahihirap.

“Kung sa galunggong nga na artipisyal ang shortage dulot ng fishing ban sa major na pangisdaan ay nagtaas ang presyo nito sa mga pamilihan lalo pa ang tilapia at iba pang isda sa lawa na halos maubos dahil sa pag-aalburoto ng bulkang Taal,” sabi ni Pamalakaya national chair Fernando Hicap.

“Ang panawagan namin sa mga trader ay huwag nang samantalahin ang naturang kalamidad para magtaas ng presyo ng isda bilang pakikiisa na rin nila sa mga biktima at nasalanta,” aniya.

Nanawagan ang Pamalakaya sa DA na bigyan ang mga magsasaka at mangingisda ng ibang pagkakakitaan at danyos dahil mas kinakailangan nila ito ngayon.

Dagdag pa ni Hicap, wala sa lugar ang pag-aalok ng DA ng pautang sa kanila dahil nawalan na nga sila ng pamumuhay.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?