spy-on-the-job-rey-marfil
By

Tiis, dasal, kapit lang sa MRT

Sharing is caring!

Habang pinipilahan sa takilya ang pelikulang ‘Justice League’, ang mga katropa naman nating sumasakay sa MRT-3, ‘just tiis’ naman ang peg dahil din sa mahabang pila para makasakay at makarating sa kani-kanilang paroroonan.

Matapos magtiis sa pila, dasal naman ang susunod nilang gagawin kapag nakasakay na. Aba’y sa dami ng aberya na halos araw-araw nang nangyayari, hindi mo na alam kung ligtas kang makararating sa susunod na estasyon.

Kung dati ay tumitirik lang, nawawala ang aircon o hindi nagbubukas ang pinto, kamakailan lang ay may bagong sorpresang aberya ng MRT — kumalas ang bagon. Mabuti na lang at hindi totoo ang pelikulang zombie na ‘Train To Busan’, dahil kung nagkataon na may naging zombie sa naiwang bagon, aba’y ubos ang nasa 140 pasahero na nakulong dito.

Isa pang dapat ipagpasalamat na walang tren na kasunod sa humiwalay na bagon dahil kung nagkataon, hindi natin alam kung posible pang nagkaroon ng banggaan sa naturang aberya.

Kaya naman habang nasa loob ng bagon at umaandar ito, kapit lang talaga dahil hindi mo alam kung ano pa ang susunod na mangyayari. Huwag nating kalimutan na minsan nang nag-overshoot ang isang tren ng MRT sa Taft Avenue station noong 2014 at nasa 30-katao ang nasaktan.

Kung sa pelikulang ‘Forrest Gump’ eh sinabing “life was like a box of chocolates, you never know what you’re gonna get”, aba’y ganito rin ang MRT… hindi mo malaman kung anong sorpresa ang gagawin. Iyon nga lang, mga hindi kaiga-igaya ang mga sorpresang nangyayari kaya sana naman sa malapit na hinaharap eh magkaroon naman ng sweet surprise.

Pero ngayon pa lang, ihanda na ang sarili sa panibagong sorpresa kung sakaling biglang magpasya ang pamunuan ng MRT na pansamantalang itigil ang operasyon nito para maayos ang mga ­aberya. Matapos kasi ang insidenteng ‘hiwalayan’ ng tren at bagon, iminungkahi ni Sen. Grace Poe na masusing pag-aralan kung dapat na munang itigil ang pagtakbo ng mga tren at ayusin ang kailangang ayusin.

Sa totoo lang, sa dami at sunod-sunod na aberya ng MRT, na ang pinakahuli nga ay pagkalas ng bagon na hindi mawari ng mga opisyal kung papaanong nangyari, aba’y nakakatakot na isipin na may trahedyang naghihintay na mangyayari… na sana naman ay hindi mangyari.

Iyon nga lang, mala­king katanungan kung ano ang mangyayari sa mahigit 500,000 pasahero ng MRT sa bawat araw kapag itinigil ang operasyon ng mass transport system na ito. Kung tutuusin, batid naman ng mga namamahala sa MRT kung ano ang mga aberya at alam din nila kung ano ang solusyon. Pero ang tanong, bakit hindi nasosolusyunan? Kung may nakita mang solusyon, bakit hindi maipatupad?

Alalahanin natin na nagtaas ng singil sa pasahe sa MRT simula noong 2015 na kasama sa dahilan ay gagamitin daw sa pagpapahusay ng serbisyo nito. Ang mga pagbabago pa lang na nangyari, ang gamit na tiket para raw mabilis ang pila, at nilagyan nila ng WiFi ang mga bagon. Pero ang solusyon sa mga problema sa bagon, riles at sa sistema, wala.

May mga bagong bagon na kinuha ang da­ting pamunuan ng Transportation department pero hindi raw akma sa riles at bigat, ayon sa bagong pamunuan ng DOTr. Ang tanong, totoo kaya ito o ayaw lang nilang ipagamit para bumili uli ng mga bagong bagon? Kung mabigat, wala bang paraan para mabawasan ang bigat? Wala bang third o private party na maaaring sumuri sa mga bagon na hindi magamit?

Pero habang wala pang natatanaw na kasagutan sa mga problema ng MRT, ang payo ng ating kurimaw sa ating mga bes, tiis, dasal, at kapit pa rin.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter:@dspyrey)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?