187
traffic
By

Tigil pasada ng ACTO tuloy sa Lunes

Tuloy sa Lunes (July 15) ng umaga ang tigil pasada ng grupo ng transportasyon laban sa PUV Modernization Program ng Department of Transportation (DOTr) at Land Franchising Regulatory Board (LTFRB).

Ayon kay Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) President Efren De Luna, isasagawa ang kilos protesta ng kanilang mga kasaping driver at ibang grupo ng transporatasyon sa Quezon City Memorial Circle ngayong July 15.

Sinabi ni De Luna na magtitipon-tipon ang kanilang mga miyembrong driver sa Quezon City Memorial Circle ngayong alas-8 ng umaga bago magtungo sa tanggapan ng LTFRB) at doon ay magsasagawa sila ng kilos protesta at programa.

Ito ay upang Iprotesta nila ang ilang guidelines sa ilalim ng public utility vehicle (PUV) modernization program ng gobyerno.

Ipinag-uutos sa ilalim ng PUV modernization program ang pag-aalis sa mga jeep at bus na mahigit 15 taon na ang tanda at pagpapalit sa non-Euro 4 compliant engines ng bagong modelo na ipinag-utos ng gobyerno.

Binigyang diin ni De Luna, na ang PUV modernisasyon ay kasinungalingan dahil hanggang sa ngayon ay walang bangko na nagpapautang para sa kooperatiba sa ipinapalabas na modernong PUV na hindi naman kayang bayaran ng mga driver na naghahangad ng magkaroon ng sariling pampublikong sasakyan.

Sa mga modernong sasakyan naman ay pakita lamang umano ang mga electric PUV kung saan hindi naman aniya kayang umakyat ng sasakyan sa matataas na lugar tulad sa Baguio at limitado ang kilometrong tatahakin.

Anila, kailangang maiparating kay Pangulong Rodrigo Duterte ang hinaing ng mga driver laban sa modernisasyon ng PUV bago ang gagawin nitong State of the Nation Address (SONA) sa July 22,2019.

Samantala, umapela naman ang LTFRB sa ACTO na kanselahin nito ang nakatakdang transport strike ngayong Lunes, dahil ito umano ay makakaabala, pahirap at malaking perhuwisyo lamang sa mga mananakay o commuters.

Binanggit ng LTFRB na ang ibang malaking transport groups gaya ng Pasang Masda at Federation of Jeepney Operators and Drivers Associations of the Philippines ay hindi naman aniya lalahok sa tigil pasada ng ACTO.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?
Tags: , , , ,