23

Feb 24, 2021 @ 10:47

Tiger Woods naaksidente, basag ang binti

Sugatan si American golfer Tiger Woods noong Martes ng umaga matapos maaksidente ang minamaneho niyang sasakyan sa Los Angeles, California.

Batay sa Los Angeles County Sheriff Department, mag-isang sakay si Woods, 45, ng 2021 Genesis GV80 SUV habang binabagtas nito ang Hawthorne Ave. sa Blackhorse Ave.

Ayon kay Sheriff Alex Villanueva, sa ulat ng DailyMail, bumibiyahe si Woods ng “mas mabilis kesa normal speed” nang tumawid ang kotse sa maling bahagi ng kalsada bago ito mapadako at gumulong nang ilang daang talampakan sa isang burol.

Pero pinunto rin ng sheriff na maraming naaaksidente sa nasabing lugar.

May isang concerned citizen na agad tumawag sa mga otoridad at may malay si Woods nang dumating ang mga ito sa lugar ng insidente.

“He was able to speak to me. He seemed calm and lucid,” ani Deputy Carlos Gonzalez, ang unang pulis na tumulong kay Woods sa eksena.

Sabi naman ng longtime agent ni Woods na si Mark Steinberg, nagtamo ng “multiple leg injuries” ang golfer matapos ang aksidente at sumasailalim sa surgery.

Ayon pa sa LACSD, dahil sa maayos na kotse at pagsusuot nito ng seatbelt ay nakatakas si Woods sa “fatal crash.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?