34

Oct 31, 2017 @ 12:02

Tiger Woods, balik-aksiyon sa golf

Muling masisilayan ang tikas ng dating world number one na si Tiger Woods matapos nitong kumpirmahin ang pagbabalik niya sa mundo ng golf mula sa mahabang pahinga dahil sa iniindang injury sa likod at muling papalo sa Hero World Challenge sa Bahamas sa susunod na buwan.

Sa report ng AFP News, hindi nakapaglaro ang 14-time major champion mula pa noong Pebrero matapos ang pabalik-balik na problema sa kanyang likod kung saan hindi niya nagawang sumabak sa 2015-2016 season.

Kabilang si Woods sa 18-man field kasama ang iba pang bigatin sa larangan ng golf na sina world number one Dustin Johnson at world number two Jordan Spieth.

Hindi na nakapalo si Woods sa mga kompetisyon, huli nang sumabak sa Dubai Desert Classic.

Nagdesisyon si Woods na hindi na tumuloy sa event ng sumunod na araw kung saan kinailangan niyang magpa-opera ng kanyang likod noong Abril, ang pang-apat niyang operasyon.

Una nito’y nagsilbing US team assistant captain si Woods sa President Cup noong nakaraang buwan kung saan sinabi niyang hindi niya alam kung babalik pa siya upang maglaro ng golf.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?