22

Jan 10, 2022 @ 15:33
By

Thompson bumida sa unang laro matapos ang 2 taon

Na-miss ng mga fan ng Golden State Warriors si Klay Thompson na pinutakte ng injury sa nakaraang dalawang taon, kaya sa muling pagtapak niya sa hardcourt ay siniguro ng basketbolista na hindi niya bibiguin ang mga tagahanga.

Kumana si Thompson ng 17 points sa 20 minuto na paglalaro para tulungan ang Warriors na maibulsa ang 96-82 panalo kontra Cleveland Cavaliers ngayong Lunes.

Nagsigawan agad ang mga tao nang gawing parte ng first five si Thompson, kung saan siya pa ang nakaiskor ng unang basket ng Golden State.

At para ipakita na wala na siyang iniinda, dumakdak pa si Thompson sa second quarter ng laban.

Naging mabigat din ang kanyang ambag sa third quarter kung saan lumayo ang Warriors tungo sa panalo.

Nanguna pa rin para sa Golden State si Steph Curry na may 28 points.

Samantala, si Lamar Stevens ang bumida para sa Cavaliers sa kanyang 17 points, habang nagdagdag ng 15 points si Rajon Rondo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?