181

May 11, 2021 @ 17:56
By

Thirdy, pwede ma-ban sa PBA

Hindi pa makasisiguro ang mga PBA team na naglalaway sa serbisyo ni Thirdy Ravena na makakapasok ito sa liga pagkatapos ang stint nito sa Japanese basketball league.

Ito ay hindi dahil sa desisyon mismo ni Ravena, kundi dahil sa isang panuntunan ng PBA para sa mga Pinoy hoopers na eligible nang magpa-draft.

Ayon sa isang PBA rule, sinomang player na dalawang taon nang tapos sa kanyang paglalaro sa kolehiyo ngunit hindi pa nagpa-draft sa liga ay maaaring ma-ban.

Noong 2019 pa huling naglaro ang 6’3 cager para sa Ateneo Blue Eagles, na ang ibig sabihin ay eligible na siyang pumasok sa PBA.

Ngunit dahil kakapirma lang ulit ni Ravena ng isang multi-year na kontrata sa SanEn NeoPhoenix, nalalagay sa alanganin ang pagpasok niya sa PBA.

Ayon naman kay commissioner Willie Marcial, handa siyang maghintay para sa liham ni Ravena.

“Hinihintay ko pa yung letter niya kasi baka talaga maka-apekto yun pag gusto na niyang magpa-draft,” pahayag ni Marcial.

“Hindi naman natin sinasara yung pintuan natin sa mga player na gustong maglaro sa liga, hindi lang para kay Thirdy kundi para sa iba pang magagaling na player,” dagdag pa niya. (Mark Joven Delantar)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?