130

Aug 19, 2018 @ 10:18

The Dream Tour ni Maymay, dadayo sa Baguio at Cebu

Maghahatid ng musika at saya si Maymay Entrata, ang Song Of the Year winner sa nakaraang MOR Pinoy Music Awards para sa awiting “Shanawa,” sa Baguio sa Setyembre 14 (Biyernes) at sa Cebu sa Oktubre 19 (Biyernes) para sa pagpapatuloy ng kanyang pinaka-inaabangang “The Dream Tour Maymay in Concert” series.

Ang sold-out concert ni Maymay, ang kauna-unahang niyang solo major show na ginanap noong Pebrero 23 sa Kia Theatre, ang nagbigay daan para sa “The Dream Tour,” handog ng Star Events at nagsimula sa Imus Sports Complex sa Cavite noong Abril 13.

Magpe-perform nang live ang “Wansapanataym Presents: Ikaw ang GHOSTo Ko” star sa University of Baguio kasama ang mga special guest na sina Edward Barber, Zeus Collins, Migz Haleco, at Marlo Mortel.

Sasamahan din siya muli ng kanyang ka-loveteam na si Edward sa Cebu leg ng kanyang concert na magaganap sa Hoops Dome Arena sa Lapu-Lapu City.

Mapapanood ng fans ang Best Novelty Singer of the Year ng 2017 Eduk Circle Awards sa kanyang pag-awit ng mga kantang “Kabaduyan,” “Toinks,” “Baliw,” “Shanawa” at iba pa.

Simula nang itanghal siya bilang big winner sa “Pinoy Big Brother Lucky Season 7,” madalas nang nangunguna si Maymay sa radio charts para sa mga tracks na nakapaloob sa kanyang self-titled debut album sa ilalim ng Star Pop, ang record sublabel ng Star Music. Nakamit din nito agad ang platinum status ilang buwan pa lamang pagkatapos itong ilunsad.

Magaganap ang “The Dream Tour Maymay in Concert” sa Baguio sa Setyembre 14 (Biyernes) at sa Cebu sa Oktubre 19 (Biyernes), 8pm.

Maaari nang bumili ng tickets sa SM Tickets o tumawag sa 4702222. (Blessie Cirera)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?