182

Feb 25, 2021 @ 13:41
By

‘The Big One’ mas malala sa COVID pandemic

Hindi lamang COVID-19 pandemic ang kailangang pagtuunan ng pansin dahil sa nakaambang malakas na lindol na tinatawag na ‘The Big One’.

Sa panayam ng ‘Balitaan at Kumustahan’ ng Politiko Live kay DOST Undersecretary Renato Solidum Jr, sinabi niya na ang paggalaw ng West Valley Fault ay lubhang makapagpaparalisa ng ekonomiya ng bansa, na aniya’y mas malala pa sa dulot ng health crisis sanhi ng new coronavirus.

“COVID-19 anong nakita natin? Economic disruption, disruption ng mga supplies, kamatayan, tigil ang karamihan ng operations sa mga opisina, gobyerno o pribado, merong social disruption ng family. Nakita na natin grabe diba,” paliwanag ni Solidum.

“Ang kulang sa COVID-19 is physical damage… sira ang bahay mo, sira ang ospital, sira ang building, mas malala ang epekto.”

Saad ni Solidum, maraming lindol na posibleng mas malakas pa sa inaasahang 7.2-magnitude earthquake ng ‘The Big One’, ngunit dahil nakapwesto ito sa Metro Manila, CALABARZON at iba pang kalapit-bayan ay delikado ito sa ekonomiya ng bansa.

“Yung epekto masyadong malaki. Dito rin ‘yung government center, nandito rin ‘yung business center, financial center, education center, so napapanahon na rin na pag-usapan na i-decongest na ‘yung Metro Manila,” lahad ni Solidum.

“Napakadelikado na, mataas na masyado ‘yung rich growth.”

Huli pang nagkaroon ng major earthquake sa West Valley Fault ay noong 1658, at base sa kasaysayan ng paglindol dito, nakitang gumagalaw ang fault line kada 400 hanggang 500 taon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?