66

Oct 19, 2017 @ 17:14

TF Alamid vs traffic, inilarga

Dahil wala pa ang emergency powers ni Pangulong Rodrigo Duterte na manggagaling sa Kongreso, pinagana muna ang isang inter-agency task force para tutukan ang mga isyu sa kondisyon ng trapiko sa Metro Manila.

Binubuo ang Task Force Alamid ng PNP-Highway Patrol Group, MMDA, AFP Joint Task Force NCR, local governments, LTO, LTFRB at iba pang civic groups.

Nabatid na partikular na tututukan ng task force ang isyu ng illegal parking lalo na sa mga lansangan na maaaring magamit na alternatibong ruta ng mga motorista.

Ayon kay Elmer Argano, communications officer ng Alamid, napapanahon ang pagbuo ng kanilang grupo dahil nalalapit na ang Kapaskuhan at inaasahan na lalo pang titindi ang trapiko kaya’t kailangan nang magtulungan ng ilang ahensya, maging ng pribadong sektor.

Binanggit pa ni Argano na sa pagpasok ng bagong taon, ang kanilang task force ay pagaganahin na rin sa mga highly urbanized areas sa buong bansa. (Pinggoy Romero)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?