93

Nov 19, 2021 @ 21:24
By

Testing, quarantine protocol sa mga pasaherong papasok sa ‘Pinas inilabas

Nagpalabas ng bagong guidelines ang Inter-Agency Task Force (IATF) para sa testing at quarantine protocols ng lahat pasaherong papasok sa bansa.

Sinabi ni acting Presidential Spokesman Karlo Nograles na siya ring tagapagsalita ng IATF, lahat ng mga bakunadong Pilipino mula sa “green list” na hindi nakapag-RT PCR test sa loob ng 72 oras bago bumiyahe pauwi sa Pilipinas ay kinakailangang sumailalim sa facility-based quarantine hanggang sa lumabas ang resulta ng kanilang COVID test.

Pero para sa mga bakunadong Pinoy na nakapagpakita ng negative RT-PCR test result mula sa mga bansang nasa “green list” ay hindi na kinakailangang mag-quarantine at mag-RT PCR test.

Para naman sa mga dayuhang fully vaccinated mula sa “green list”, kailangang magpakita ng negative RT-PCR test result na kinuha 72 oras bago bumiyahe patungong Pilipinas at hindi na kinakailangang mag-quarantine at mag-RT PCR test ulit.

Pero kinakailangan aniya mag-self monitor ng posibleng sintomas ng COVID sa loob ng 14 simula dumating sa bansa.

“Passenger is enjoined to self-monitor for any symptoms until the 14th day, again, with the first day being the date of arrival,” ani Nograles.

Para naman sa mga hindi bakunado, iisa pa lang ang bakuna at mga hindi ma-verify ang vaccination status, sinabi ni Nograles na kinakailangang mag-quarantine ang mga ito hanggang lumabas ang negative result ng kanilang RT-PCR test na kinuha sa ika-limang araw nila sa Pilipinas at mag-self monitor hanggang sa ika-14 na araw nila sa bansa.

“All passengers whether Filipinos or foreigners, merely transiting through non-green list jurisdictions, shall not be deemed as having come from or having been to the said country, territory or jurisdiction if they stayed in the airport the whole time and were not cleared for entry by its immigration authorities,” dagdag ni Nograles.

Para naman sa mga bakunadong pasaherong nagmula sa yellow countries na may pre-departure RT PCR tests ay kinakailangang mag-quarantine pagdating sa bansa at kinakailangang mag-RT PCR test ulit pagkatapos ng tatlong araw.

Kapag walang pre-departure RT PCR test ang mga pasaherong nagmula sa mga bansang nasa yellow list, obligado ang mga ito na mag-facility-based quarantine at mag-RT PCR test makalipas ang limang araw.

Para naman sa mga pasaherong nagmula sa mga bansang nasa red list o hurisdiksiyon sa nakalipas na 14 na araw ay hindi papayagang makapasok sa bansa kahit pa bakunado na ang mga ito.

“Passengers, whether Filipinos or foreigners merely transiting through red list nation, shall not be deemed as having come from or having been said country/territory /jurisdiction or if they stayed in the airport the entirety of their layover and were not cleared by its immigration authotities,” wika ni Nograles.

Para naman sa mga menor de edad, bakunado man o hindi na papasok sa bansa ay kinakailangang sumunod sa testing at quarantine protocols gaya ng pagsunod ng kanilang magulang o guardian na kasama nila sa biyahe.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?