46

Oct 16, 2017 @ 20:52

Testimonya ni Solano, ilalabas ng Senado

Posibleng isapubliko ng Senado sa Miyerkules ang transcript ng idinaos nitong executive session kung saan tumestigo si John Paul Solano, ang pangunahing suspek sa pagkasawi ng hazing victim na si Horacio “Atio” Castillo iii.

Sinabi ito ni Senador Panfilo Lacson, chairman ng Senate committee on public order and dangerous drugs na nangunguna sa pagsisiyasat ng Senado “in aid of legislation” kaugnay ng sinapit ni Castillo.

Sa patakaran ng Senado, bawal isapubliko ang mga pinag-usapan sa executive session maliban na lang kung aprubahan ito ng 2/3 ng mga senador.

Noong nakaraang linggo, inaprubahan ng Senado ang resolusyon na nagbibigay ng pahintulot na isapubliko ang mga sinabi ni Solano para makapatulong ang kapulungan sa pagbibigay ng hustisya kay Castillo.

Sa nasabing executive session, nagbigay umano si Solano ng pitong pangalan ng mga sangkot sa pagkasawi ni Castillo sa hazing.

Isasapubliko sana ito sa pagdinig ng Senado ngayong araw, Lunes, Oktubre 16 pero naunsyami dahil nawalan ng pasok sa kapulungan bunsod ng transport strike.

Iginiit ni Senador Juan Miguel Zubiri ang pagsasapubliko ng transcript dahil hindi pa tumutupad si Solano sa pangako na magsusumite ng sinumpaang salaysay kung saan idedetalye ang lahat ng mga nalalaman nito sa krimen. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?