61

Dec 13, 2017 @ 9:30
By

Testimonya ng SC justices vs Sereno mabigat – Alvarez

Personal na naniniwala si House Speaker Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez na matibay ang testimonya ng apat na justices ng Supreme Court (SC) para madikdik at mapatunayan na may probable cause ang impeachment complaint laban kay Chief Justice Ma. Lourdes Sereno.

“Sa tingin ko sobra-sobra,” ayon kay Alvarez.

Nitong Lunes, Disyembre 11 ay humarap sa impeachment hearing ng House Justice Committee sina incumbent Associate Justices Noel Tijam, Francis Jardeleza, at Teresita Leonardo-De Castro, gayundin si retired associate justice Arturo Brion.

“Mabigat ‘yung mga testimonies nu’ng mga justices saka mga employees ng Supreme Court dahil papano mo papasinungalingan ‘yan? First-hand information ‘yan, sila talaga ‘yung nakakaalam doon,” paliwanag ni Alvarez.

Sa kabila nito, nilinaw ng pinuno ng Kamara na ang personal na opinyon nito ay hindi makakaimpluwensiya sa magiging desisyon ng Justice Committee.

“Ayoko lang pangunahan ‘yung committee. Pero lahat tayo nakapanood at siguro naman malinaw na siguro para makita ng sambayanan kung talagang merong laman ‘yung impeachment complaint,” hirit ni Alvarez.

Sa naging testimonya ni Jardeleza ay inakusahan nito ng treason si Sereno nang gamitin umano ang top secret documents sa claim ng gobyerno ng Pilipinas sa mga teritoryo sa South China Sea para maharang ang kaniyang nominasyon sa bakanteng posisyon sa SC.

Gayunpaman, nilinaw ni Alvarez na ang crime of treason ay pupuwede lamang sa panahon ng giyera.

“Pero ‘yung binabanggit ni Justice Jardeleza para sa akin swak na swak ‘yun sa betrayal of public trust,” ayon kay Alvarez.

Samantala, pinabulaanan ni Alvarez na walang basehan ang alegasyon na ang House impeachment proceedings ay pumupuntiryang hiyain si Sereno para mag-alsa balutan na ito sa puwesto.

“That is most unfair. Kasi dapat nating tandaan hindi naman namin inutusan si Atty. (Lorenzo) Gadon. Pinagagalitan nga namin minsan dahil hindi handa. Ginagawa lang namin ‘yung tungkulin namin,” pagdidiin ni Alvarez. (Aries Cano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?