17

Oct 5, 2021 @ 15:34
By

Testigo vs Pharmally may banta sa buhay – Hontiveros

Isa sa mga testigo sa imbestigasyon ng Senado sa pagbili ng gobyerno ng diumano’y overpriced na pandemic supply ang natatakot sa kanyang buhay matapos mapag-alamang dalawang lalaking sakay ng motorsiklo ang nagmamanman sa kanya, ayon kay Senadora Risa Hontiveros.

Sa screenshot na ibinahagi ng senadora sa komite, isang kaibigan ng lalaking testigo ang nagsabing dalawnag lalaking naka-motorsiklo ang naghahanap sa kanya.

Nag-alok din umano ang mga lalaking naka-motorsiklo ng P2,000 para kinaroroonan ng testigo.

“‘Yun ang napakita sa screenshots na noong isang gabi, may dalawang nakamotor na pinaghahanap siya at naga-alok ng P2,000 sa isang tao para ituro kung saan siya nakatira,” sabi ni Hontiveros.

“Kaya siya (witness) natatakot para sa kanyang buhay,” dagdag nito.

Si Hontiveros ang naunang nag prisinta ng testigo sa Senado, isang lalaking manggagawa na nauna nang nagbunyag na binago nila ang expiration date ng mga face shield na dinala ng Pharmally sa Department of Health (DOH) noong nagdaang taon.

Kinumpirma din ni Pharmally regulatory affairs head Krizle Mago sa Senado ang pahayag ng testigo. Subalit binawi naman ni Mago ang kanyang mga pahayag sa pagdinig sa Kamara noong Oktubre 4.

“Siya ay natatakot para sa kanyang buhay dahil mayroong nakamotor na pinaghahanap siya and as far as I am concerned, the witness’ statement was corroborated by Ms Mago’s own unrehearsed statement before this chamber,” sabi ni Hontiveros.

Sinagot din ng senadora ang katanungan ng ilang mga kongresista na dapat ipresenta nito ang kanyang testigo sa Senado.

“I’m aware that the other House has raised questions about my witness not presenting before us. Una, I would like to repeat in our hearing that he executed an affidavit under oath and we submitted this to the good chairman,” sabi pa ni Hontiveros.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?