161

Nov 6, 2017 @ 17:36
By

Testigo sa Espinosa-Yap slay, naiprisinta na

Isang taon matapos mapaslang sa loob ng bilangguan, nakapagprisinta na ng testigo ang prosekusyon sa kaso ng pinaslang na alkalde ng bayan ng Albuera, Leyte na si Mayor Rolando Espinosa.

Sa dalawang pahinang memorandum na isinumite ng mga prosecutor na may hawak ng kaso kay Department of Justice (DOJ) Secretary Vitaliano Aguirre II, ang testigo ay humarap sa korte noon pang Oktubre 18, 2017.

Pero nasuspinde ang paglalahad niya ng testimonya dahil sa kakapusan ng sapat na panahon.

Dahil dito, muling itinakda ang pagsalang ng nasabing testigo sa witness stand sa Nobyembre 22.

Itinakda rin ng Regional Trial Court (RTC) ang ocular inspection sa Baybay Sub-Provincial Jail sa Nobyembre 15, 2017.

Ang mga akusado sa nasabing kaso na kinabibilangan ni Supt. Marvin Marcos ay pansamantalang nakakalaya matapos na makapaglagak ng piyansa.

Ito ay makaraang katigan ni Judge Carlos Arguelles ng Baybay RTC ang mosyong inihain ng prosekusyon na nag-aamyenda sa naunang criminal information na isinampa laban kay Marcos at sa iba pang miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group-Region 8.

Ang mosyon ay kasunod na rin ng resolusyon ng DOJ sa petition for review na inihain ng mga akusado na nagbababa sa kaso nina Marcos mula sa murder patungong homicide.

Matatandaan na sina Espinosa at inmate Raul Yap ay napatay sa ginawang pagsalakay ng CIDG Region 8 sa Leyte Sub Provincial Jail sa Baybay City noong Nobyembre 5, 2016.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?