31

Sep 24, 2021 @ 18:42
By

TESDA gumastos ng P4B sa loob ng 13 araw

Ipinagpaliban ng Kamara de Representantes ang pagpasa ng panukalang budget ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa susunod na taon.

Ito ay matapos sabihin ng TESDA na nagawa nitong gastusin ang P4 bilyon sa P4.9 bilyong unutilized at unobligated budget nito sa loob ng 13 araw.

Sa deliberasyon ngayong Biyernes, nagtanong si Marikina Rep. Stella Luz Quimbo kaugnay ng utilization rate ng TESDA sa budget na inilalaan dito ng gobyerno.

Batay umano sa mga datos, ang TESDA ang isa sa pinakamabagal na gumamit ng pondo na inilalaan sa mga ahensya.

Hanggang noong Setyembre 10, batay sa datos na ibinigay ng Department of Budget and Management (DBM), sinabi ni Quimbo na mayroong P4.9 bilyong unutilized at unobligated fund ang TESDA.

Sinabi ni Zamboanga del Norte Rep. Romeo Jalosjos, sponsor ng P15 bilyong pondo ng TESDA para sa susunod na taon, na hanggang noong Setyembre 23 ay P973.13 milyon na lamang ang pondo na hindi nito nagagamit.

“Nakakagulat naman po ang mga numerong narinig natin. Kung napansin ninyo as I said ang sakit ng TESDA ay napakabagal ng kanilang pag-utilize ng kanilang funds at makikita po yan sa historical budget data ng TESDA,” sabi ni Quimbo.

Dagdag pa nito: “Tila nagkaroon ng himala sa TESDA because in the last 13 days alone nakagastos ang TESDA ng P4 billion.”

Kung titignan umano ang kasaysayan ng TESDA sa paggamit ng pondo, inaabot ng 21 buwan para maubos ng ahensya ang budget na nakalaan dito para sa isang taon.

Paliwanag ni Jalosjos mukha umanong mayroong nangyaring himala pero ang datos umano ng DBM ay iba sa aktwal na paggastos na ginawa ng TESDA kaya nagmukhang mabilis nitong naubos ang P4 bilyon.

Kinalaunan ay hiniling ni Quimbo na ipagpaliban ang deliberasyon sa budget ng TESDA.

Sumegunda naman si Deputy Speaker at Pampanga Rep. Rimpy Bondoc.

“There are so many questions to be answered Mr. Speaker so we join the minority in moving to defer discussion on the proposed budget of TESDA,” sabi ni Bondoc.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?