364

Oct 6, 2017 @ 8:38

‘Termite Gang’ alaga ng SAF-PNP

Pag-aari umano ng miyembro ng Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police (PNP) ang ‘hide-out’ na nirerentahan ng mga nadakip na ‘Termite Gang’ sa Bulacan, na sinasabing responsable sa naganap na panlolob sa China Bank sa Fairview, Quezon City, nitong nakaraang Lunes.

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Director, Chief Supt. Guillermo Eleazar, natukoy na rin nila ang hide-out ng sindikato sa San Jose Del Monte, Bulacan at ang may-ari umano ng bahay na kanilang nirerentahan ay sinasabing pag-aari ng isang miyembro ng Special Action Force( SAF) ng Philippine National Police (PNP).

Kasabay nito, isang malawakang ‘manhunt operation’ naman ang ikinasa ngayon ng mga operatiba ng QCPD upang tugisin ang sampu pang nakalalayang mga kasamahan na itinuga ng unang limang nadakip.

Ikinanta ng isa sa mga nadakip na suspek sa China Bank robbery kay Eleazar, na dating mga minero at majority na miyembro ng grupo ay taga-Benguet province kaya bihasa sa paghuhukaw ng lupa.

Giit ng QCPD official na mayroong nagpopondong sindikato na siyang subject ngayon sa ginagawang follow-up operation ng kanyang mga tauhan.

Tinitingnan na rin ng QCPD ang posibleng may kasapakat na security personnel ang ‘termite gang’ dahil hindi inaksiyunan at hindi rin iniulat sa pulisya na sira ang alarm at CCTV ng bangko, bago pa man ito nilooban noong Lunes

Ang limang nadakip na sina Jordam Agustin Duldulao, 29; Geraldine Tingalan Bawas, 25; Melbert Aligan Bautista, 26; Ambrose Rex Sannad Layao, 28 at Allyson Ngina Aligan, 23, ay sinasabing kabilang sa anim na insidente ng robbery na kinabibilangan ng pangho-holdap sa Wilcon Depot sa Brgy. Paliparan, Dasmarinas City Cavite; Wilcon Depot Tarlac City Branch; pawnshop sa Marikina City; 578 Emporium in Gumaca, Quezon; Hypermarket sa Silang, Cavite at isang private building sa Marikina.
Si Duldalao at Bawas ay pansamantala lamang pinalaya matapos na makapag-piyansa sa kasong robbery.

Kasabay nito, pinuri ni Eleazar ang kanyang mga tauhan na nagtrabaho ng husto at nagpasalamat sa ‘highly reliable source’ para madakip ang mga suspek.

“Inaalam pa natin sa patuloy na imbestigasyon ang mga koneksiyon ng mga suspek at kung may iba pang involvement sila sa mga previous bank robberies hindi lamang sa Quezon City kundi maging sa ibang parte ng Metro Manila at mga probinsiya.” pahayag pa ni Eleazar. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?