919
wanda-teo1
By

Teo, maaaring kasuhan ng plunder sa DOT-PTV ads deal – Trillanes

Sharing is caring!

Mariing sinabi ni Senador Antonio Trillanes IV na hindi sapat ang pagbibitiw o kaya ay pagsibak kay Department of Tourism (DOT) Secretary Wanda Tulfo Teo ng dahil sa P60-million advertisement controversy na kinasasangkutan nito.

Ayon sa senador, dapat ding sampahan ng kasong kriminal si Teo dahil nagbigay ng pabor at malaking halaga sa TV program sa PTV 4 ng mga kapatid na sina Ben at Erwin Tulfo.

Maaari aniyang makasuhan ang kalihim ng plunder at katiwalian.

“Sa akin hindi lang dapat mag-resign. Dapat makasuhan. Dapat tanggalin sa puwesto at kasuhan,” ani Trillanes.

“Ito ay plunder kapag titingnan natin. But more importantly gusto nating malaman kung gaano kalaking budget ang naabuso rito sa Department of Tourism dahil iba’t ibang isyu ang lumalabas,” sabi ng senador.

Tinukoy ni Trillanes na sa pangangasiwa ni Teo, nagbigay ang DOT ng advertising contract sa PTV 4 na pinakinabangan naman ng mga kapatid nito.

Batay sa pagsusuri ng Commission on Audit, ibinayad ng PTV 4 ang P60 milyon sa Bitag Media Unlimited Inc. na kumpanya ni Ben Tulfo.

Hindi naman bumilib si Trillanes sa umano ay balak ng magkakapatid na ibalik ang pera.

Idiniin na ang pagsasauli nito ay pag-amin ng pagkakamali at hindi rin bubura sa nagawa nang krimen.

“Ang analogy niyan, para kang nagnakaw nu’ng nahuli ka, isinauli mo. Hindi, gawa na ‘yung krimen. In fact, ‘yung sinasabing isasauli is an admission that they have committed a crime, so kailangan natin itong maungkat,” dagdag ni Trillanes.

Balak nitong maghain ng resolusyon para imbestigahan ng Senado ang advertising deal sa mga Tulfo at ang iba pang isyu sa DOT.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?