43

By

Ted Te nagbitiw bilang spokesperson ng Korte Suprema

Sharing is caring!

Nagbitiw na bilang tagapagsalita at pinuno ng Supreme Court Public Information Office (PIO) si Atty. Theodore Te.

Nabatid na nagsumite na si Te ng resignation letter kay Chief Justice Teresita Leonardo De Castro noon pang Agosto 29, 2018.

Ayon kay Te, ang kanyang posisyon ay coterminous o sabay sa nakaupong punong mahistrado.

Si Te ay naitalaga noong 2013 panahon ni Dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno na napatalsik sa puwesto sa pamamagitan ng quo warranto proceedings.

“May I also, by these presents, respectfully tender my irrevocable resignation as Assistant Court Administrator and Chief of the Public Information Office, a post which is highly confidential and coterminous with the Chief Justice,” ang nakasaad sa liham ng pagbibitiw ni Te.

Naniniwala si Te na dapat malayang makapagtalaga ang bagong punong mahistrado ng nais niyang manungkulan bilang hepe ng Supreme Court -PIO.

“I believe that Your Honor should be given a free hand to craft your own media policies and to appoint a person whom Your Honor believes could best implement those policies,” dagdag ni Te.

Plano umano ni Te na bumalik uli sa pagtuturo.

“I am returning to full-time academic life, which I had put on hold starting 2013 to be able to serve the judiciary and the Supreme Court,” saad ni Te.

Mananatili si Te sa Korte Suprema hanggang Setyembre 7, at ang hahalili naman sa kanya ay si Atty. Gleo Guerra bilang Acting Chief ng Supreme Court-PIO.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?