25

Team PH umaasa pa rin kay Clarkson

Sharing is caring!

Ang isang paa ni Jordan Clarkson, nasa pinto na ng Asian Games sa Indonesia.

May isang balakid pang kailangang laktawan ng Fil-Am guard para masementuhan ang puwesto niya sa final 12 ni coach Yeng Guiao na isasabak sa men’s basketball tournament sa 2018 Asiad.

Bago maghatinggabi ng Biyernes, higit isang oras matapos kumpirmahin ni Guiao ang kanyang final 12 ay lumabas ang balitang inaprubahan ng Indonesia Asian Games Organizing Committee ang eligibility ni Clarkson para katawanin ang Pilipinas.

“Final 12 is Chris Tiu, Maverick Ahanmisi, Beau Belga, Raymond Almazan, James Yap, Gabe Norwood – the six players from Rain or Shine,” lahad ni Guiao pagkatapos ng praktis ng team Biyernes ng gabi. “Coming from the other teams, Poy Eram from Blackwater, Christian Standhardinger from San Miguel, Paul Lee from Magnolia, si Stanley Pringle from GlobalPort, Asi Taulava from NLEX, and Jordan Clarkson from Cleveland Cavaliers.”

Si Samahang Basketbol ng Pilipinas president Al Panlilio ang nagkumpirma sa balitang aprubado si Clarkson.

Umaga ng Sabado, naglabasan ang mga ulat na may ticket na si Clarkson mula LA at papunta na ng Manila.

Ngayong Linggo ang alis ng National team ni Guiao pa-Indonesia. Sinadya ng coach na 11 lang ang kunin mula sa 14-man pool dahil pinaglaanan niya ng puwesto si Clarkson.

“We put Jordan there since we wanna make sure there’s a slot for him, and we’re still working on the requirements and procedures and permits. SBP officials and other concerned people are working hard on trying to get him to play for the team,” dagdag ni Guiao. “But so far wala pang maliwanag, but nilagay na namin siya sa lineup just to make sure that if all of those requirements are complied with, he has a slot in the team. And travel arrangements are also being made for him to come over.”

Ang naiwang balakid ay ang clearance ni Clarkson na manggagaling ng NBA at sa Cleveland Cavaliers.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?