71

Dec 14, 2017 @ 9:40
By

Taxi driver pinaslang sa loob ng minamanehong taxi

Patay ang isang taxi driver na umano’y sangkot sa droga nang pagbabarilin sa loob ng minamaneho nitong taxi ng hindi pa nakikilalang lalaki kahapon ng umaga sa Taguig City.

Namatay noon din sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Julius Ysmael, 36, nakatira sa Tambo, Parañaque City sanhi ng tatlong tama ng bala ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Base sa natanggap na report ng Southern Police District (SPD), naganap ang insidente alas-10:15 ng umaga sa panulukan ng Osano St., at Bonifacio Avenue, Barangay Central Bicutan, Taguig City.

Habang nasa loob ang biktima sa pinapasada nitong MAYORIS Taxi na may plakang UVC-753 nang biglang dumating ang isang lalaki, binunot nito ang kanyang baril mula sa kanyang baywang at walang salitang pinagbabaril ang biktima na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.

Nang masiguro ng suspect na patay na ang biktima ay mabilis itong tumakas sa hindi mabatid na direksyon.

Nakarekober naman ang mga awtoridad sa loob ng taxi ng biktima ng isang maliit na plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.

Patuloy namang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga tauhan ng Taguig City Police hinggil sa insidente at inaalam na rin kung mayroon nakalagay na close circuit television (CCTV) camera sa pinangyarihan ng insidente at kung nahagip ang ginawang pamamaril sa biktima para sa pagkakilanlan ng salarin. (Armida Rico)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?