2,356

Dec 27, 2017 @ 15:00
By

Taxi driver na sinampal ng babaeng motorista, ‘di na makakabiyahe

Ipinatawag sa Land Transportation Office si Virgilio Doctor, ang taxi driver na ang video ng pananampal sa kanya ng isang babaeng motorista ay naging viral sa social media.

Kasama ni Doctor si Atty Ariel Inton, pangulo ng Lawyers for Commuters Safety and Protection, nagtungo sila sa tanggapan ni Dir. Francis Ray Almora, ng LTO Law Enforcement Service.

Ngunit sila ay hinarap na lang ni Martha Fortadez, OIC ng LTO Investigation and Intelligence Division.

Sa subpoena, ipinaliwanag ni Almora na dahil sa na-stroke si Doctor noong 2014 maaring naapektuhan na ang kakayahan nitong humawak ng professional driver’s license at kailangan itong ma-downgrade sa non-professional.

Sinabi naman ni Doctor, sakaling ma-downgrade ang kanyang lisensiya ay malugod na rin niya itong tatanggapin para makapagpahinga na rin siya sa halos dalawang dekadang pamamasada.

Nakatakdang sumailalim sa neuro test si doctor para madetermina ang posibleng naging epekto ng stroke sa kanya. (Pinggoy Romero)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?