1,957

Mar 2, 2018 @ 21:43

Taxi driver na maraming modus, arestado

Hindi na nakapalag ang isang taxi driver na inaresto ng mga tauhan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa dami ng modus para kumita ng malaki sa mga pasahero.

Dinakip sa NAIA-Terminal 3 habang naghihintay ng panibagong mabibiktima, ang driver na si Freddie Mago na pumapasada ng taxi na may plakang UWA 553.

Si Mago ang driver na nag-viral ang video sa social media na naniningil ng P1,900 sa pasahero na galing NAIA-Terminal 1 at hinatid sa isang bus terminal sa Maynila.

Sa ulat sa GMA News, bukod sa pangongontrata, istilo rin ni Mago na ikarga sa kaniyang pasahero ang konsumo umano sa gasolina at ibinayad sa toll.

Ayon kay LTFRB board member Atty. Aileen Lizada, bukod sa pangongontrata ay depektibo rin ang metro ng taxi ni Mago.

Inirekomenda na ng LTFRB sa Land Transportation Office na hindi na makapagmaneho ng public utility vehicle (PUV) si Mago.

Nahaharap din sa P120,000 na multa ang operator ng taxi ni Mago.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?