87

Tax sa mga ‘rapist’ ng kalikasan, pinadodoble ng mga senador

Matapos ang mahaba at mainitang debate, inaprubahan ng Senado ang mungkahi na doblehin ang buwis na ipinapataw sa mga kumpanya ng pagmimina.

Nakapaloob ito sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) o tax reform bill na ipinamamadali ng Malacanang dahil kailangan para sa Build, Build, Build program nito.

Sa gitna ng debate ukol sa panukala, unang nagmungkahi ng pagdoble sa buwis sa pagmimina si Senate president pro tempore Ralph Recto nung mabatid mula sa Department of Finance (DOF) na P1.8 bilyon lamang ang nakolektang buwis mula sa mga mining firm noong nakaraang taon.

Noong inurong ni Recto ang mungkahi, sinalo ni Senador Chiz Escudero na naggiit na buwisan ang mga “rapist” ng kalikasan.

Nagtalo sila ni Senador Sonny Angara, chairman ng Senate committee on ways and means, na nangatwiran na hindi bahagi ng tax reform bill at hindi kasama sa mga isinalang sa public hearing ang pagdoble sa buwis sa mining firms.

Ayon kay Angara, hindi patas para sa mga kumpanya ng pagmimina na magulantang sa dobleng buwis dahil hindi sila nakonsulta.

Hindi pumayag si Escudero na nagbigay-diin na hindi naman lahat ng taumbayan ay nakonsulta ng kumite ni Angara para sa pagtataas ng buwis sa petrolyo, sasakyan at inuming may-asukal na nakapaloob sa tax reform bill.

Sa huli, nagkaroon ng botohan kung saan 9 na senador ang sumuporta sa mungkahi ni Escudero – sina Sen. Recto, SenTito Sotto, Franklin Drilon, Sen. . JV Ejercito, Sen. Franklin Drilon, Sen. Grace Poe, Sen. Sherwin Gatchalian, Sen. Risa Hontiveros, Sen. Juan Miguel Zubiri at Sen. Joel Villanueva.

Nag-abstain si Angara habang bumoto kontra sa mungkahi sina Sen. Nancy Binay at Sen. Richard Gordon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?