39

Jun 1, 2020 @ 15:21
By

Tax sa Lazada, iba pang online service, awat muna – Imee Marcos

Siguradong maantala ang pagsulong edukasyon, tulong pangkalusugan, at paglikha ng negosyo at trabaho sa panahon ng COVID-19 kung bubuwisan ng gobyerno ang lahat ng gamit at serbisyo sa tinatawag na digital economy o kalakalang online sa bansa, ayon kay Senador Imee Marcos.

Tinawag pa nitong ‘double-eedged sword’ ang panukalang ang mga revenue-generating measure, kabilang ang 10% na buwis sa lahat ng imported goods na ipinanukala ng Department of Trade and Industry at ang tax bill para sa digital services sa Kamara.

“Di yata tamang magpataw ng mga bagong buwis sa panahon ng krisis habang maraming naghahanap ng tulong, diskwento, at palugit sa utang dahil nga sa nabawasang kita o nawalang trabaho,” sabi ni Marcos, chair ng Senate committee on economic affairs.

“Ipapasa lang ng mga negosyante ang halaga ng tax sa mga mamimili na karamihan ay mahirap lamang o middle-class,” dagdag pa nito.

Ang mga digital services o online na serbisyo sa pagkonsulta sa doktor, sa edukasyon, at ng e-commerce o bentahan sa internet ay nagiging pangkaraniwan na, kung saan ang mga digital na produktong imported gaya ng cellphone at laptop ay hindi na itinuturing na luho kundi pangangailangan.

“Hayaan muna ang mga Amazon at Lazada na yan. Atupagin muna ang pagsuporta sa mga umuusbong na negosyo sa internet na sinimulan ng ating mga madiskarteng kabataan, tulad ng mga online sari-sari stores, grocery deliveries at mga home-based na paggawa ng face masks at ibang produktong pangkalusugan sa ‘BUYanihan’ program ng Ilocos,” saad pa nito.

Binanggit din ni Marcos na ang tinatawag na ‘gig economy’, kung saan dadami ang trabahong “work-from-home” at sariling sikap, ay lumilitaw nang bagong paraan sa pagtakbo ng mga negosyo sa buong mundo.

“Ang mas malawak na paggamit ng mga produkto at serbisyong digital ay maaantala lamang ng mga panukalang buwis. Dapat muna hayaan tayong masanay at tuluyang makilahok sa mga bagong paraan ng pagnenegosyo at paggawa ng trabaho,” anang senadora.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?