122

Dec 3, 2017 @ 15:09
By

Tax reform package, pahirap sa mahirap – Gabriela

Muling iginiit ng grupong Gabriela na parusa sa mahihirap na pamilya at maliliit na negosyo ang tax reform package ng administrasyong Duterte.

Ayon kay Gabriela Rep. Emmi de Jesus, anumang bersiyon ng tax reform law ang ipasa ng bicameral conference committee ay tiyak na magreresulta sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, softdrinks, kuryente at iba pang bilihin.

Hindi aniya ito pakikinabangan ng mga self-employed gaya na lamang ng mga may-ari ng maliliit na tindahan.

“This will directly puncture the pockets of poor families and small store owners who will not benefit from tax exemptions and lower income tax brackets under the scheme,” sabi ni de Jesus.

Para sa kongresista, ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) bill ay karagdagan lamang sa aniya’y “economic big bang” na tatama sa mahihirap na pamilya pagsapit ng Bagong Taon kasabay ng inaasahang phaseout sa mga lumang jeepneys at taas-singil sa tubig dahil P3.4 bilyong obligasyon ng gobyerno sa Maynilad.

Ginawa ng kongresista ang pahayag kasunod nang pag-usad ng TRAIN bill sa bicam kung saan limang probisyon na ang napagkasunduan ng Senado at Kamara kabilang ang tax exemptions sa mga empleyadong kumikita ng mas mababa sa P250,000 kada taon at paglibre sa Value Added Tax (VAT) ng buwanang renta sa bahay at condominium na mas mababa sa P15,000. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?