26

By

Tax reform bill, suportado ng foreign business leaders

Sharing is caring!

Suportado ng ilang foreign business leaders ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Act.

Ibinahagi ni Finance Sec. Carlos Dominguez III na tiwala ang mga banyagang negosyante na sa reporma sa buwis ay lubos na sisigla ang ekonomiya ng bansa, na mararamdaman ng masa.

Ayon kay Julian Payne, pangulo ng Canadian Chamber of Commerce of the Phils., na susuportahan ng TRAIN ang mga planong pagtatayo ng mga bagong imprastraktura na mapapakinabangan ng mga ordinaryong tao.

Dagdag pa nito, dahil sa TRAIN, makakasabay na ang Pilipinas sa mga katabing bansa sa usapin ng paglago ng ekonomiya at mas maikukunsidera ng mga foreign investor ang bansa para pagbuhusan ng puhunan.

Sinabi naman ni Wayne Bradford, senior advisor sa International Tax and Investment Center, na sa pamamagitan ng TRAIN ay mapapababa ang buwis sa karamihan sa mga taxpayer.

Dagdag pa ni Dominguez, na umaasa sila na pipirmahan na upang maging ganap na batas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang TRAIN bago sumapit ang araw ng Pasko. (Pinggoy Romero)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?