53

By

Tax Reform Bill, hindi na kailangan — Ejercito

Sharing is caring!

Iginiit ni Senador JV Ejercito sa economic managers ni Pangulong Rodrigo Duterte na ikonsidera ang pag-uurong ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) o Tax Reform Bill kung saan tataasan ang buwis ng petrolyo, sasakyan at mga inuming may asukal.

Ayon kay Ejercito, maaaring hindi na kailanganin ang pagtataas at paglikha ng bagong buwis dahil tumataas na ang koleksiyon ng Bureau of Customs (BOC) at ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

Tinukoy ng senador ang itinuturing na record-high na koleksiyon ng BOC nitong Oktubre na umabot sa P42 bilyon.

Umakyat naman sa P138 bilyon ang koleksiyon ng BIR.

“This means we can raise revenues even without increasing the taxes or imposing new ones,” ayon kay Ejercito.

Nangangahulugan umano ito na kapag pinagbuti ng BIR ang pagkolekta sa buwis at kapag totohanang hinabol ang mga smuggler, makakakolekta ang gobyerno ng kailangang buwis.

“If we will only improve our tax and duties collections and also tighten the noose on smugglers through a serious and sustained anti-smuggling campaign, which we definitely can, we will be able to generate the revenues that we need. So, hindi na natin kailangan pa ang TRAIN,” pahayag ni Ejercito.

Sa TRAIN, liban sa itataas ang buwis sa ilang produkto, layunin ding ibaba ang income tax at bawasan ang listahan ng mga produkto na hindi pinapatawan ng value added tax.

Nakasalang ito sa plenary debates ng Senado.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?