121

Nov 28, 2017 @ 20:45
By

Tax Reform Bill aprub na sa Senado

Sa botong 17 pabor, isa ang tutol, inaprubahan na ng Senado sa ikatlo at pinal na pagbasa ang unang bahagi ng tax reform package ng administrasyong Duterte.

Si Senadora Risa Hontiveros lamang na kasapi ng oposisyon ang bumoto kontra sa panukalang batas sa katwiran na masyado itong minadali kaya hindi na naipakita na kayang ibaba sa 10 porsyento ang kasalukuyang 12 porsyentong value added tax (VAT).

Sa inaprubahang tax reform bill o Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN), may magandang balita at mayroon ding negatibo dahil babaaan ang annual income tax pero babawiin sa mga bagong buwis.

Sa ilalim nito, magiging exempted sa buwis ang annual income na P250,000 at pababa umpisa sa Enero 1, 2018.

Bababaan din ang antas ng buwis para sa kumikita kada taon ng mahigit sa halagang ito.

Gagawin namang exempted sa 12 porsyentong VAT ang renta sa bahay o condominium na hindi lalagpas sa P15,000 kada buwan.

Sa halimbawa ni Sen. Sonny Angara, nagdepensa ng tax reform bill bilang chairman ng Senate committee on ways and means, ang Teacher 1 ngayon sa public school na kumikita ng P20,179 ay binubuwisan ngayon ng 25% kada taon, katumbas ng P28,717. Hindi na ito bubuwisan kapag naisabatas ang tax reform bill.

Ang call center agent naman na kumikita ngayon ng P30,168 ay binubuwisan ngayon ng 30% pero sa tax reform bill, bababa ito sa 20%.

Magiging exempted naman sa 12 porsyentong value added tax (VAT) ang lahat ng prescribed medicines.

Magtataas naman ang excise tax sa petrolyo sa loob ng tatlong taon – P1.75 sa fuel at bunker fuel sa unang taon; dadagdagan ng P2 sa ikalawang taon at P2.25 sa ikatlong taon. Taliwas sa inapubahan ng Kamara na P3 sa unang taon, P2 sa ikalawa at P1 sa pangatlong taon.

Papatawan ng 9% na buwis ang matatamis na inumin na may high fructose corn syrup at P4.50 para sa bawat litro ng mga inumin na may caloric at non-caloric sweeteners. Exempted naman ang purong gatas, fruit juice at 3-in-1 kape

Bubuwisan ng 10 porsiyento ang cosmetic procedures at body enhancements.

Tataas ng 10 porsiyento ang buwis ng kotse na P1 milyon pababa ang presyo at 20 porsyento kapag higit P1 milyon ang kapag P2 milyon pataas ang presyo ng sasakyan.

Pinataasan ng mga senador ang ngayon ay P10 kada metriko toneladang buwis sa coal o uling tungong P100 kada metriko tonelada sa unang taon, P200 sa ikalawang taon at P300 sa ikatong taon.

Ang inaprubahan na ito ng Senado ay dadalhin sa bicameral conference committee para ipagkasundo sa bersyong inaprubahan ng Kamara. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?