109

Oct 12, 2017 @ 14:50

Tax incentives mananatili sa call center agents – Angara

Muling sumigla ang IT-BPM investment sa bansa, ayon sa IT-Business Process Association of the Philippines (IBPAP) matapos manamlay  sa pangambang babaklasin ang kanilang tax incentives.

Buti na lamang at tiniyak ng Senado na mananatili ang insentibong ito ng sektor sa ilalim ng panukalang tax reform ng gobyerno.

“Mananatili ang kanilang tax incentives dahil malaki ang naitutulong nito para mas lumago ang BPO investments sa bansa. Isa rin sila sa mga nagpapalusog sa ating ekonomiya at isa sa mga pinagmumulan ng trabaho. Ang layunin natin dito ay mapalakas ang kalakalan dito sa Pilipinas,” ayon kay Senador Sonny Angara, chairman ng senate ways and means committee.

Mababatid na nanamlay ang BPO industry dahil sa pangamba sa tax incentives, subalit nakabangon ito dahil sa proposisyon ng Senate Bill 1592 o ang the Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) bill na nag-aatas na hindi babawiin ang zero VAT provisions para sa Philippine Economic Zone Authority (PEZA) locators.

Noong 2016, nagtala ang IT-BPM industry ng tinatayang 1.15 milyong dagdag empleyo na nagbunga ng $23 bilyong kita ng gobyerno.

Kamakailan lamang, nag-ulat din ang Department of Labor and Employment na nananatiling pinakamalaking job opportunity sa bansa ang BPO industry base sa online job applications na nakukuha nito sa PhilJobNet

“Isa ang BPO industry sa malalaking job generators dito sa atin. Layunin nating maresolba ang patuloy na kawalang trabaho sa bansa kung kaya’t minabuti nating mapanatili ang tax incentives ng sektor na ito upang magpatuloy ang kanilang paglago at paglikha ng trabaho,” ani Angara, kilalang labor reforms advocate. (Dindo Matining)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?