By

Tax evasion vs Richard Gutierrez, dedesisyunan na ng DOJ

Sharing is caring!

Idineklara nang submitted for resolution ng Department of Justice (DOJ) ang reklamong tax evasion na inihain ng Bureau of Internal Revenue (BIR) laban sa aktor na si Richard Gutierrez.

Ito ay makaraang magsumite si Gutierrez ng rejoinder affidavit kung saan iginiit niya na walang ebidensiya ang BIR na maaaring pagbatayan ng probable cause para siya ay masampahan ng kasong tax evasion, falsification of public documents at perjury sa korte.

Personal na pinanumpaan ni Gutierrez ang kanyang rejoinder affidavit sa DOJ.

Nag-ugat ang kaso sa umano’y kabiguan ng kumpanya ni Gutierrez na R Gutz Production na magsumite ng income tax return noong 2012, at ng dalawang quarterly value added tax returns sa parehong taon at dahil sa umano’y under declaration ng kinita ng kanyang kumpanya sa nabanggit ding taon.

Si Gutierrez at ang kanyang kumpanya ay hinahabol ng BIR dahil sa P38.57 milyon na halaga ng tax liability.

Nauna nang itinanggi ni Gutierrez ang paratang ng BIR, pero ayon sa kawanihan, peke ang Annual Income Tax Return at Quarterly Value-Added Tax Returns na isinumite ng aktor kaya nadagdagan ang reklamo laban sa kanya.

Sa kanyang rejoinder affidavit, nanindigan si Gutierrez na “premature” o masyadong maaga ang ginawang paghahain ng reklamo ng BIR dahil hindi naman nagamit ng kawanihan ang lahat ng administrative procedure bago dalhin sa DOJ ang reklamo kagaya ng pagpapadala muna ng “notice” sa kanya.

“I was put into public ridicule and was subjected into publicity trial for being an alleged tax evader when in fact they can just send notice first to me and R Gutz so that privately complainant can check the books of R Gutz before filing any case,” ang nakasaad sa kanyang rejoinder affidavit. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?