283

Jan 14, 2020 @ 15:02
By

Tawilis, ibang isda galing sa Taal, bawal munang kainin – DOH

Ipinagbawal ng Department of Health (DOH) ang pagkain muna ng isdang galing sa Taal Lake dahil sa epekto ng ibinugang sulfur at posibleng iba pang kemikal ng bulkang Taal.

Sa ginanap na briefing sa Malacañang, sinabi ni DOH Assistant Secretary Maria Francia Laxamana na nagpalabas na sila ng babala sa publiko laban sa pagkain ng ano mang uri ng isdang galing sa Taal Lake.

Hindi aniya ligtas kainin sa ngayon ang mga isdang galing sa Taal lalo na kung patay na itong nakuha sa lawa dahil sa mga posibleng nakain na masama sa kalusugan ng tao.

“Talagang ipinagbawal na. Mayroon na tayong mga advisory na lahat ng galing diyan sa Taal, Batangas dapat wala ng bibili kasi hindi natin maasahan yung safety ng mamamayan,” ani Laxamana.

Kabilang aniya sa mga sintomas ng mga nakakain ng kontaminadong isda galing sa Taal lake ay ang pananakit ng tiyan, pagtatae at pagsusuka na kailangang magamot kaagad .

“Ngayon kung nakakain, o gustong kumain gn tawilis na galing ng Taal lake, mayroon po tayong symptoms lalo na kung nakakain ng patay na isda, gaya ng pagtatae, sakit ng tiyan, pagsusuka. Kung masakit ang tiyan bibigyan natin ng anti-spasmodic, kung nagtatae, kailangan ng rehydration kasi parang food poisoning ‘yan lalo na ‘pag walang tiglil na pagtatae at pagsusuka. Bantayan po nating mabuti ang pasyente na nakakain ng patay na isdang nakakain ng sulfur o ano pamang kemikal yan mula sa Taal lake,” dagdag pa ni Laxamana.

Ipinaliwanag naman ni Philippine Volcanologist and Seismologist (Phivolcs) Director Renato Solidum na kapag idineklara na ang alert level 4 sa Taal Volcano, kasali na ang Taal lake, ay dapat wala ng tao at wala ng mangingisda sa lugar dahil sa peligrong ibinuga ng bulkan.

“Pag sinabing alert level 4, dapat kasali na yung Taal lake, dapat wala ng tao. Pag gumapang yung galing sa bulkan sa Taal lake, delikado.Sa dami ng mga bato at abo na ibabato doon sa lake ay mas solid yung effect lalo na yung nasa fish cages kasi masu-suffocate sila,” ani Solidum.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?