109

Nov 9, 2021 @ 10:20
By

Tauhan ni Mayor Sara lusot sa drug bust

Itinanggi ni Davao City Information Office Head Jefry Tupas na kabilang siya sa 17 indibidwal na naaresto ng mga awtoridad matapos mahulihan ng party drugs sa isang resort sa Davao de Oro noong Nobyembre 6.

Sa social media post ng SunStar Davao, inamin ni Tupas na naimbitahan siya sa isang party sa naturang resort sa Barangay Pindasan sa bayan ng Mabini, ngunit hindi umano siya kasama sa mga nadampot ng mga awtoridad.

“I was there because like the other guests, I was invited. But I left right after dinner with my boyfriend and another friend,” saad ni Tupas sa isang statement ngayong Martes.

Sa naganap na raid ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Davao ay nahuli ang 17 katao at nakumpiska ang party drugs na tinatayang P1.5 milyon ang halaga.

Bukod sa party drugs, natagpuan din sa mga suspek ang shabu at marijuana.

Kinumpirma rin ng PDEA-Davao na ilan sa mga suspek ang galing sa prominenteng pamilya sa Davao City.

Isa sa mga naaresto si Revsan Ethelbert P. Elizalde, 33-anyos, na siyang nagbenta ng droga sa isang police agent.

Si Elizalde rin umano ang nagdiwang ng kanyang kaarawan at nag-imbita ng mga bisita sa resort.

Sa kabilang dako, naroon si Tupas sa mga larawang kuha sa birthday party na inupload sa social media, ngunit ‘di naman kasama ang kanyang pangalan sa listahan ng mga naaresto. (mjd)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?