kerwin
By

Tauhan ni Kerwin, nanindigang supplier nila ng shabu si Peter Lim

Sharing is caring!

Aabot sa mahigit kalahating tonelada o kabuuang 560 kilo ng shabu ang droga umano na isinuplay ni Peter Lim alyas Jaguar, kay Kerwin Espinosa.

Ito ang nakasaad sa pang-apat na sinumpaang salaysay ni Marcelo Adorco, isa sa mga respondent at testigo ng Philippine National Police-Criminal Investigastion and Detection Group sa reklamong inihain nito laban kay Lim, Peter Co at Espinosa kaugnay ng drug trade sa Visayas.

Sa nasabing salaysay ay binigyang-linaw ni Adorco ang mga hindi tugmang impormasyon na nakasaad sa kanyang tatlong naunang salaysay na isinumite sa unang panel of prosecutors.

Ayon kay Adorco, dating tauhan ni Kerwin, si Peter Lim ang isa sa mga supplier ng shabu ng kanyang amo.

Nagsimula umano ang transaksyon nina Lim at Espinosa noong 2012 na tumagal noong 2015.

Sa bawat taon ay tig-apat na transaksyon ang nangyari sa pagitan ng dalawa

Noong 2012, tig-20 kilo ng droga sa bawat transaksyon ang isinuplay umano ni Lim, noong 2013 ay tumaas na ang transaksyon sa tig-30 kilo.

Taong 2014 naman ay tig-40 kilo ang droga na isinuplay ni Lim, at noong 2015, umakyat na ito sa tig-50 kilo ng shabu.

Ang lahat ng transaksyon ay nangyari umano sa Cash and Carry.

Pinanindigan din ni Adorco na kasama siya ng pamilya ni Kerwin nang magtungo ang mga ito sa Thailand noong 2015 kung saan ay nagkita sina Espinosa at Lim.

Sa Eurotel Hotel umano sila tumuloy sa Thailand, at pinuntahan naman nila si Lim na noon ay sakay ng isang puting luxury van.

Katunayan, nasaksihan at narinig din umano niya ang naging pag-uusap nina Espinosa at Lim dahil kasama siya sa loob ng sasakyan at nakaupo lamang sa likuran ng dalawa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?