By

Tattoo artist na nambugbog ng grab driver, kinasuhan

Sharing is caring!

Pormal nang kinasuhan sa Quezon City Prosecutors Office ng isang grab driver ang pasaherong tatoo artist na bumugbog sa kanya nang isauli niya ang naiwang cellphone ng huli sa kanyang minamanehong sasakyan nitong nakaraang February 9, 2018, sa Kamuning Quezon City.

Ayon kay Atty. Ariel Inton, legal counsel ng biktimang si Armando Ninoy Yabut Jr., 30, grab driver, at residente ng Block B, Lot 2, Santol St., Dividend Homes, Brgy. San Juan TaytayRizal, kanila nang kinasuhan ng serious physical injuries ang suspek na si Jinno John T. Simon, tatoo artist at residente ng No. 40 B2 Judge Jimenez St., Brgy. Kamuning ng nasabing lungsod.

“He (Simon) is known in their community as bully,” ayon kay Inton.

Batay sa sinumpaang salaysay ni Yabut, dakong alas 2:30 ng madaling araw nitong Pebrero 9 nang ihatid niya si Simon sa Kamuning, QC mula Makati City.

Aniya, napansin na lamang niya na naiwanan ni Simon ang naka-charge na cellphone sa kanyang sasakyan nang makauwi na siya sa kanilang tahanan sa Taytay.

Dali-dali umano siyang bumiyahe muli pabalik sa Quezon City para isauli ang cellphone na naiwan ni Simon subalit nagulat na lamang siya na sa halip na magpasalamat ay bigla na lamang siya sinuntok nito sa kaliwang mata.

“Mula Taytay bumalik pa ako sa Quezon City para isauli ang cellphone niya (Simon). Nagulat na lamang ako nang bigla akong suntukin at pagbintangang magnanakaw,” pahayag ng grab driver. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?