670

Oct 12, 2019 @ 16:53
By

Tatay na walang trabaho, nagpakamatay

Kawalan ng trabaho ang posibleng dahilan sa suicide ng 45-anyos na lalaki sa loob ng banyo ng kanilang tahanan sa Quezon City, Biyernes ng hapon.

Kinilala ni PLt. Nick S. Fontanilla ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD) ang biktima na si Joseph, may asawa, at residente ng Brgy. Payatas B sa nasabing lungsod.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PSSgt. Juvy Fallesgon ng CIDU-QCPD, natagpuan ang katawan ng biktima dakong alas-3:10 ng hapon, Oktubre 11, 2019 sa loob ng banyo ng bahay.

Sa pahayag sa pulisya ng apo ng biktima na nakilalang si Dexter, maliligo umano siya subalit naka-lock umano ang pinto ng kanilang banyo, kaya tinawag niya ang kaniyang tita na si Angeline.

Sa pag-aakala ni Angeline na ginagamit lang ng ama ang banyo ay sinabihan nito ang kanyang pamangkin na maghintay na lang muna.

Subalit nang lumipas ang ilang minuto at hindi pa rin lumalabas ng banyo si Mang Joseph, kinatok na ito ng anak pero walang sumasagot. Kaya napilitan na siyang puwersahang buksan ang pintuan at doon ay bumungad sa kanya ang patay nang ama.

Agad na humingi ng saklolo si Angeline sa kanilang mga kamag-anak at nang maibaba ang katawan ng biktima ay sinugod ito sa East Avenue Medical Center subalit dineklarang patay bandang alas-3:50 ng hapon ni Dr. Dean Xyrus Searez.

Wala namang alam ang pamilya kung ano ang dahilan kung bakit namatay sa suicide ang biktima, pero nitong mga huling araw ay nagiging bugnutin umano nito at minsan ay tahimik lamang na tila may malalalim na iniisip.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?