35

Jun 16, 2021 @ 11:37
By

Tatay na nagbigti, suspek sa pagpaslang ng 2 anak, live-in partner

Puno ng dugo ang kamay ng isang padre de pamilya na posibleng pumaslang din sa kanyang dalawang anak at live-in partner sa kanilang tahanan sa Laguna.

Ayon kay Laguna Provincial Police Office Spokesperson Col. Chit Gaoiran, sa imbestigasyon ng Biñan City Police ay lumalabas na suspek si Johnny Martinez, 46, sa pagpaslang ng kanyang karelasyon na si Jolly Espinas at kanilang dalawang anak.

Si Martinez ay hindi na mapapanagot sa batas dahil nakita rin ito na nakabigti sa loob ng kanilang bahay.

Isa sa mga nasawi sa brutal na krimen ay ang isang taong gulang na anak ng live-in partner.

Makikita sa pinangyarihan ng krimen ang isang martilyo na may mantsa ng dugo, habang ang mga bata ay nagtamo ng tama sa ulo.

Lahad ni Gaoiran, naririnig umano ng mga kapitbahay na nagkakaroon ng bangayan ang magkarelasyon dahil sa pera.

Nawalan umano ng trabaho si Martinez na dating driver ng bus, dati rin umanong may sari-sari store ang magka-live-in.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?