17

Sep 10, 2021 @ 16:04

Task Force on Oxygen Supply itatatag

Bubuo ang gobyerno ng Task Force on Oxygen Supply para masiguro ang katatagan ng supply ng oxygen sa bansa sa harap ng patuloy na dinaranas na COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na ang bagong Task Force ay isasailalim sa Task Force Against COVID-19 at magkatuwang na pangangasiwaan ng Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Health (DOH).

“Inaprubahan ng IATF ang pagbuo ng Task Force on Oxygen Supply sa ilalim ng Task Force Against COVID-19. Ang DTI ang magsisilbing lead at ang DOH ang magiging co-lead,” ani Roque.

Nais makatiyak ang gobyerno na hindi kakapusin sa oxygen ang bansa sa harap ng tumataas na kaso ng COVID-19 dahil sa Delta variant.

Iniiwasan din ng gobyerno na matulad ang bansa noon sa India na marami ang namatay dahil kinapos sa supply ng oxygen dahil sa pananalasa ng Delta Covid variant.

Nauna rito, tiniyak ng DTI na mayroong sapat na supply ang bansa matapos makausap ang mga negosyante na nagma-manufacture nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?