92

Dec 8, 2017 @ 16:04
By

Task Force Dengvaxia ikinasa na ng DOH

Bumuo na ang Department of Health (DOH) ng grupo na tututok sa pagtugon sa mga isyu na may kinalaman sa Dengvaxia, bakuna kontra dengue na itinurok sa mahigit 800,000 kabataan sa ilalim ng school-based immunization program ng gobyerno.

Ito ay ang Task Force Dengvaxia na magbabantay at tutugon sa kalusugan ng mga naturukan ng kontrobersyal na bakuna.

Ayon kay DOH Secretary Francisco Duque, ang Task Force ay binubuo ng mga matataas na opisyal ng DOH Central Office, ng mga opisyal ng kagawaran sa mga apektadong rehiyon at mga attached agency nito kabilang na ang Food and Drug Administration (FDA), PhilHealth at National Children’s Hospital.

Pag-aaralan ding muli ng Task Force ang Dengvaxia pati na ang mga bagong datos o ebidensya na lumutang kaugnay sa isyu ng kaligtasan nito.

“This Task Force will conduct a thorough review of the dengue vaccination initiative which started in March 2016 and the new evidence on safety provided by Sanofi. This shall guide the Department of Health in responding to the safety concerns relevant to the use of this vaccine and how to proceed with the dengue program to ensure safeguards and prevent similar incidents in the future,” saad ni Duque.

Magkakaroon din ng legal team ang Task Force na tututok naman sa pananagutan ng Sanofi Pasteur.

“We will demand the refund of the P3.5 billion paid for the Dengvaxia, and that Sanofi set up an indemnification fund to cover the hospitalization and medical treatment for all children who might have severe dengue,” dagdag ni Duque.

Ang resulta ng magiging pag-aaral ng Task Force ang gagamiting batayan ng DOH kung ano ang kanilang susunod na hakbang kaugnay ng dengue program ng pamahalaan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?